Wednesday, December 9, 2009

Hirap ng Buhay

Sa isang katulad ko na isang pulitiko at nag-seserbisyo sa bayan, layunin ko na tumulong sa kapwa at mapabuti ang kanilang katayuan sa buhay. Kaya lang, sa bawat araw ng aking pagharap sa ibat-ibang klase ng tao, at pakikinig ng kani-kanilang hinaing at inilalapit ay tila yata maliit pa ang aking nagagawa. May mga pangyayari sa aking ilang buwan na panunungkulan, upang mapagtanto-tanto natin ang mga pagkukulang, ay ang pagmumulat sa totoong sitwasyon ng ibat-ibang mga sektor ng lipunan. Maraming sektor ang napapabayaan sa Calamba, isa na dito ang sektor ng turismo. Minsan, may lumapit sa aking tanggapan upang humihingi ng tulong para sa gamot. Tinanong ko siya tungkol sa katatayuan nila at sitwasyon ng kaniyang pamilya. Ayon sa kanya, ang kanyang mister ay katatanggal lamang sa trabaho dahil nagsara ang resort na kanyang pinapasukan, isang indikasyon, ‘ika ko sa aking sarili, na ang turismo sa Calamba ay maaaring bumagsak. Dahil dito, nagsagawa ang aking opisina ng isang pag-aaral sa sitwasyon, partikular sa mga resort. Mula dito ay napag-alaman na ang pagtaas ng buwis na kanilang babayaran at ang mga nagdaang kalamidad nang nakaraang taon ang mga factors na matinding nakaapekto sa daloy ng turismo, at dagdag pa dito ang dumaraming kompetisyon sa mga karatig probinsya at bayan. Hindi malilimutan ng ating mga kababayan ang pagsalanta ng bagyong Milenyo na nagdulot ng matinding pagbaha sa Pansol. Dahil dito walang nagawa ang mga resort owners kundi ang magsara pansamantala dahil walang dadating na turista sa ganoong kalagayan. At ilang buwan lamang pagkatapos nito, bahagya pa lamang nakakabawi ang ating mga kababayang mamumuhunan ay tinamaan naman tayo ng Typhoid Ourbreak. Sa magkakasunod na dagok na ito, kung walang aksyong gagawin ay maaring tuluyang mamatay ang industriya ng turismo na inaasahan ng marami nating kababayan! Sa isyung ito, marami ang aking katanungan. Una, ano ang ginagawa ng Pamahalaang Panlungsod sa mga sitwasyong ganito at papaano sila makakatugon sa problemang ito? Ang katanungang ito ay kinakailangan magkaroon ng kasagutan, nasabi ko sa aking sarili.

Kung kaya’t hindi ako nag-atubiling pag-aralan ang problema. Ayon sa mga datos na aking sinaliksik, ang populasyon ng Calamba ay may 308,281 (ayon sa National Statistic Office). At batay sa mga pag-aaral na ginawa ng ibat-ibang ahensya ay lumalabas na 25% dito ay pawang mga mararalita o nabibilang sa tinatawag na poverty line. At sa aking sariling obserbasyon at pag-aaral, ang mga lugar na kung nasaan ang konsentrasyon ng kahirapan sa Calamba ay ang mga squatters area sa Barangay Parian, II, IV, San Cristobal at ang mga shoreland barangays. Kabilang din ang mga nakatira sa tabi ng riles at Canlubang. Babalik pa rin sa katanungang: Ano ang plano ng City Government sa problemang ito?

Ang trabaho ng isang katulad kong naninilbihan sa bayan ay tumulong sa pagpapaunlad ng bayan. Sa isang bayan ng mga bayani tulad ng Calamba, na itinuturing na maunlad, hindi katanggap-tanggap na may 25% o katumbas sa humigit-kumulang na pitumpu’t pitong libong mamamayan ang walang sapat na pagkain sa kanilang hapag-kainan, walang maayos na tirahan at maaasahang ikabubuhay . Sa bagay na ito ay tila yata ang mismong City Government, na siyang pangunahing dapat umaksyon sa isyu ng kahirapan, ay may pagkukulang. Ito ba isang paratang? Hindi. Una, wala man lamang datos ang City Government na makapagsasabi kung gaano karami ang mahirap sa Siyudad ng Calamba. Papaano makakatulong ang isang Gobyerno kung wala ka man lamang batayang datos? Ang kawalan ng datos upang malaman ang bilang ng mahihirap ay magreresulta sa kawalan ng programa. Kaya ang sinasabi ng progresibong sektor na ang pamahalaan daw ay reaksyunaryo, siguro nga may katotohanan.

Ang sinasabi ng Makati Business Club ay magkakaroon ng recession ngayong 2009, nakakatakot para sa isang siyudad na umasa lamang sa Industrial Park niya. Kung ang furniture industry nga ng Pilipinas ay nagbawas ng 50% ng kanilang empleyado dahil sa global economic slowdown, ang mga industriya pa kaya sa Calamba ang hindi magbawas ng empleyado o magsara? Kahiya-hiya mang sabihin, hindi sapat ang programa ng Pamahalaang Panglungsod upang makabawas ng kahirapan o ‘yung tinatawag na poverty reduction program at social rehabilitation. Lumalabas na umaasa lamang ang Pamahalaang Panglungsod sa mga Industrial Park dito, ngunit hindi pinapaunlad ang Backyard Industry o Micro Local Industry. Ngayon, nahaharap ang siyudad ng Calamba sa malaking problema.

Ano ang alternatibo ng mga taong mawawalan ng trabaho kung sakaling matutuloy ang Philippine recession o Philippine economic slowdown ng 2009? Masakit mang tanggapin na ang pondo ng Department of Agriculture na siyang present frontliner ng pamahalaang bayan ay wala pang isang porsiyento (0.8%) ng kabuuang 1.7 Billion na pondo ng Calamba. Ang Department of Social Welfare and Development naman ay nasa 5% lamang sa kabuuang 1.7 Billion. Kung ang tatanungin ay ang problema sa livelihood, 10 Million lamang ang nakalaan dito.

Ang tanong po dito ay mayroon bang programa ang Pamahalaang Siyudad ng Calamba para sa Sustainable Urban Development, Poverty Reduction, Social rehabilitation of the community?

Kahiyahiya man pong sabihin, ay tila MANIPIS ang programa ng Pamahalaang Panglunsod ukol dito at hindi ito makasasapat para matugunan ang suliranin ng kahirapan sa ating siyudad. Patunay dito ay ang pinag-uusapan nating 25% na mararalitang CalambeƱo. Hindi po natin sinasabi categorically na walang ginagawa ang ating lokal na pamahalaan. Ang punto po lamang na dapat mapansin, bagamat mayroon tayong Development Plan na matatawag, ito ay masasabi kong paso na o outdated na. Ito ay binuo noon pang panahon ng dating Mayor kung kaya’t marapat lamang na muling magkaroon ng pag-aaral sa kasalukuyang sitwasyon ng mga mamamayan, sitwasyon ng Calamba sa kabuoan, kumpara sa sitwasyon naman ng buong bansa, upang makabuo ng isang Development Plan na mas komprehensibo at direktang makasasagot sa kasalukuyang hamon ng kahirapan at sa tumitinding banta ng unemployment. Sa panahong kagaya nito na ang buong bansa o masasabi nating ang buong mundo ay nahaharap sa mga mabibigat na hamon, ay marapat lamang na tayo, lalo na ang mga nanunungkulan ay magkaisa sa paghanap ng mga solusyon upang maibsan kahit papaano ang gutom at sakit ng bawat maralitang Pilipino.

Pangarap ko pong tumulong sa bayan, at ang pinakamagandang paraan upang makatulong ay ang pagbibigay ng programang pangkabuhayan para sa mahihirap. Naniniwala po ang inyong lingkod na kailangang iprayoridad ng pamahalaang bayan ang mga programang magpapaunlad sa kalagayan ng bawat mamamayan sa lungsod na ito.—CNL

Ang Kawawang Magtatraysikel

Sa bigat ng buhay sa panahong ito, iba-iba ang naiisip na diskarte ng isang pinoy makaraos lamang sa bawat araw. Mula sa pagtitinda ng fishball, banana-Q, barbeque, isaw, kwek-kwek, kakanin, hanggang sa mga naglipanang ukay-ukay sa bawat kanto. Tiyaga at sipag kapalit ng kaunting kita ay sapat na, mabuhay lamang ng marangal. Katulad na lamang ng marami nating kababayang magtatricycle. Sa pamamagitan ng Komite na aking hinahawakan ay naging lantad sa akin ang tunay na istorya ng sektor na ito sa ating lungsod.

Isa sa mga istorya ng magtatricycle ay ito…

Maraming magtatricycle ay galing sa mga kumpanyang nagsara at mula sa kaunting naipon nila sa retrenchment pay o separation pay ay ipinuhunan sa pagbili ng motor, upang magamit na panghanap-buhay. Kung oobserbahan natin, tila napakarami na ng tricycle sa Calamba. Ayon sa tatlong pederasyon na aking kausap, lampas na sa 12,000 ang bilang nila sa buong lungsod. Subalit sa pag-aaral na isinagawa ng aming opisina ay akma lamang ang bilang na ito laban sa mahigit 300,000 na populasyon ng Calamba. Pumapatak na 26 pasahero sa bawat isang nagtatricycle ang kanilang maaaring maserbisyuhan.

Kaya lamang ay may problema. Sa 12,000 na magtatricycle, hindi malinaw kung saan ang strategic na lugar babaan at sakayan o terminal. Ito ay nagiging sanhi ng pag-aagawan ng pasahero, at paglala ng trapiko sa mga pangunahing lansangan (partikular sa Crossing) dahil sa kawalan ng programa na ipinatutupad. Sa usaping ito ay masasabi kong may pagkukulang ang City Government. Marapat lamang na matulungan ng Pamahalaang Lungsod na mapaunlad ang sektor ng tatlong gulong sa Calamba, upang maiwasan ang traffic at kaalinsabay nito ay matulungang kumita ang mga magtatricycle ng maayos.

Hindi katanggap-tanggap sa isang katulad kong nagseserbisyo na balewalain ang problemang ito at walang gawin upang ang sektor na ito ay mapaunlad. Isang katotohanan na sa 12,000 na magtatricycle, 30% lamang sa kanila ang may prangkisa. Ito ay mahirap para sa isang pasahero na ang kanilang sasakyan ay wala sa legal. Sa panahon ng mga sakuna, ay magiging maliit ang pananagutan. Dito sa City Government ng Calamba, mukhang magiging malabo ang usaping ito. Sabihin na natin na ang Sangguniang Panglunsod ang may kapangyarihan upang buksan ang usapin ng prangkisa. Subalit nakasalalay pa rin sa ehekutibo o kay Mayor ang pag-aaral at pag-iimplement o pagpapatupad ng programa. Muli ay babalik ako sa isang bagay na aking sinasabi. Nasaan ang pag-aaral at programa ng ehekutibo sa sektor ng tatlong gulong? Nasaan ang pag-aaral o baseline data upang sabihin na ang 3,000 tricycle lamang ang maaaring bigyan ng prangkisa?

Taong 2006 ay binuksan ang prangkisa. Bakit tila yata kakaunti ang bilang ng magtatricycle sa Siyudad ng Calamba ang nabigyan ng prangkisa? Sino ang nagkulang? Ang magtatricycle ba o ang kawalang programa ng ehekutibo sa kanila?

Ngayong November 2008, ako ay nagpasok ng isang resolusyon na muling buksan ang prangkisa sa tricycle. Sa dahilan na una, ayaw po natin na maging ilegal ang operasyon ng 6,000 magtatricycle sa Calamba na walang prangkisa. Pangalawa, kaawaawa ang pasahero kung sakaling sila ay maaksidente ay walang aasahang mananagot, at ang mismong siguridad ng komunidad. Kinakailangan lamang ay gumawa ng programa ang ehekutibo sa bagay na ito at ilagay sila sa stratehiyang lugar upang kumita at hindi magdulot ng traffic.

Hindi ako makakapayag na hindi mabigyan ng prangkisa ang magtatricycle. Dahil sa usapin na ito, na kung ipatutupad ng maayos ang batas ay 6,000 pamilyang umaasa sa tricycle ang mawawalan ng hanap-buhay.—CNL